Banta ng ‘muling pagnakaw’ sa pondo ng coco levy

Maliliit na magniniyog gaya ni Mylene Zantua: Hanggang kailan maghihintay bago mabawi ang pondong kanila? (Ilang-Ilang Quijano)

Tila inisip na ng gobyernong Aquino ang lahat ng maaaring gawin sa pondo ngcoco levy, maliban sa ibalik ito sa tunay na mga nagmamay-ari nito.

Nariyan ang ilaan ang pondo sa Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (Carper), o sa pagbabayad ng kompensasyon para sa malalaking may-ari ng lupa. Nariyan ang ilagak ito sa programang Conditional Cash Transfer (CCT), o sa pamumudmod ng barya sa mahihirap na pamilya.

Sa kabilang banda, simple lamang ang gusto ng maliliit na magniniyog: ibalik sa kanila ang pondo. At dahil ibinalik na ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa kaban ng bayan nitong Oktubre 5 ang P56.6 Bilyongcoco levy fund, simula na naman ang laban ng mga magniniyog para mabawi ito.

Hirap pa rin sa niyugan

Patay na ang ilan sa mga magniniyog na piniga noon ng diktaduryang Marcos para sa buwis na pangunahing ginamit ng kanyang kroni na si Danding Cojuangco Jr. Ngunit hindi pa rin isinusuko ang laban ng kanilang mga anak o apo na karamiha’y mahihirap na magniniyog pa rin. Nananatili silang walang sariling lupa at suporta mula sa gobyerno. Kaya ramdam na ramdam nila ang pangangailangang gamitin ang pondo para sa kanilang kagalingan.

Isa lamang ang magniniyog na si Mylene Zantua na tumututol sa paglaan ng coco levy fund sa Carper. Kahit pa benepisyaryo ng nasabing programa—binigyan ng Certificate of Land Ownership Award noong 2004 para sa dalawang ektaryang niyugan sa San Francisco, Quezon—sa kanyang kwenta ay mababawi rin mula sa kanila ang lupa dahil sa di kakayaning mga bayarin.

Kung imemenos ang mga gastos sa produksiyon, lumalabas na P10,000 kada taon lamang ang kita niya. Bukod sa pagkakaltas ng mga trader ng 15 hanggang 20 porsiyentong resikada, napakababa kung bilhin sa kanila ang kopra. Minsan, aabot lang ito ng P12 kada kilo.

Hindi rin sang-ayon si Zantua na gamitin ang coco levy fund sa CCT. Benepisyaryo nga siya ng nasabing programa, ngunit hindi naramdamang guminhawa dahil sa natanggap na P800 kada buwan (kulang na kulang ito, aniya, sa pagsustento ng limang anak) bukod pa sa itinigil na rin ito sa nakaraang anim na buwan.

Willy Marbella ng KMP, sa koprasang bayan sa Malakanyang noong Oktubre 19 para igiit ang pagbalik ng coco levy fund (Macky Macaspac)

Willy Marbella ng KMP, sa koprasang bayan sa Malakanyang noong Oktubre 19 para igiit ang pagbalik ng coco levy fund (Macky Macaspac)

Dahil hawak ng may-ari ng lupa ang mga sertipiko ng sapi sa Cocounut Industry Investment Fund (CIIF) ng kanyang lolo, wala patunay si Zantua ng pagigingclaimant ng pondo. Ngunit sang-ayon siya sa House Bill 3443 ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, na nagpapanukala ng pagtatayo ng isang Coconut Farmers Fund mula sa coco levy fund, upang gamitin para sa kagalingan ng maliliit na magniniyog. “Dapat gamitin ang pondo para subsidyuhan ng gobyerno ang presyo ng kopra,” aniya.

Sa probinsya pa lamang ng Quezon, tinatayang may 200,000 na maliliit na magniniyog ang nangangailangan ng suporta ng gobyerno.

Itinutulak naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang kagyat na“cash distribution” o distribusyon ng pondo sa mga claimant. Ayon sa grupo, daan-daang magniniyog na ang tumawag sa kanilang hotline simula nang maibalitang ibinalik na sa National Treasury ang coco levy fund. Nagtatanong sila kung paano makukuha ang kanilang parte—isang tanong na tila walang sagot ang gobyernong Aquino.

Para sa 2013 halalan?

Gaya marahil ng maraming magniniyog na claimant, hawak pa ni Willy Marbella,deputy secretary general ng KMP, ang mga sertipiko ng sapi sa CIIF ng kanyang yumaong ama. Wala naging silbi ang kapirasong mga papel na ito sa mahabang panahon.

Tubong Bikol, nagkokopra na si Marbella simula pa noong nasa elementarya. Nang magbinata, isa siya sa mga unang nag-organisa sa mga magniniyog at nangampanya para itigil ang pagpapataw sa kanila ng di-makatarungang buwis. Nasa P9.7-B ang halaga ng coco levy fund noong pagbagsak ng diktaduryang Marcos. Ngayon, lumobo na ito nang husto, ngunit ni singko ay wala pang naibalik sa kanyang pamilya. “Noong mamatay ang aking ama, pumunta pa ako sa opisina ng Cocofed (Philippine Coconut Planters Association) sa Makati para sana kumuha ng pampalibing. Doon ko nalaman na tinanggal siya sa listahan ng mga miyembro,” ani Marbella.

Ang Cocofed, organisasyon ng malalaking negosyante sa niyog na kinasangkapan ni Cojuangco, ay umaangkin sa coco levy fund sa ngalan ng maliliit na magniniyog. Enero ngayong taon, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Cocofed na kumukuwestiyon sa pampublikong pagmamay-ari ng pondo.

Tinataguriang isa itong tagumpay ng maliliit na magniniyog na ipinaglaban ang pondo, sa loob at labas ng korte.

Nakatakda maglabas anumang oras ng mga rekomendasyon para sa paggamit ngcoco levy fund ang Presidential Task Force on Coconut Levy, na binuo ni Pangulong Aquino noong Disyembre 2011. Kabilang sa task force ang National Anti-Poverty Commission (NAPC), Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Finance, at Department of Budget and Management.

Ngunit inihayag na noon pa ni NAPC Sek. Joel Rocamora na gagamitin ang pondo para sa Carper at CCT. Ito ang dahilan kung bakit sumugod sa opisina ni Rocamora sa Quezon City ang may 300 magniniyog nitong Oktubre 16 at 18. “Gusto naming igiit na dapat ibalik sa amin ang pondo at hindi gamitin sa mga programang kontra-magsasaka at kontra-mahihirap,” sabi ni Zantua, isa sa mga sumugod sa NAPC. Sa parehong pagkakataon, hindi sila hinarap ni Rocamora na umano’y wala sa opisina.

Nasirang tarangkahan ng opisina ng National Anti-Poverty Commission, na sinugod ng mga magniniyog para tutulan ang paggamit ng coc levy sa CCT at Carper (Sid Natividad/Bulatlat.com)

Samantala, hindi pa man nagtatagal sa kaban ng bayan ay tinatangka na ng gobyernong Aquino na tapyasan ang coco levy fund.Kamakailan, umalma ang progresibong mga mambabatas sa probisyon sa 2013 General Appropriations Act na naglalaan ng 15 porsiyento ng pondo, o P8.64-B, para sa PCGG at Office of the Solicitor General (OSG), na kapwa nasa ilalim ng Office of the President.

Para umano ang kaltas sa gastos ng dalawang opisina sa pagbawi ng pondo(“recovery expenses”). Ngunit ipinunto ni Kabataan Rep. Raymond Palatino na kasama ito sa tungkulin ng PCGG at OSG at di dapat pinopondohan nang hiwalay. Kahina-hinala pa umano na tinangkang isingit ang ganitong probisyon bago ang 2013 halalan—kahalintulad ng sinubukang gawin ni dating pangulong Arroyo noong 2009, bago ang 2010 halalan.

Hinala rin ng KMP, ang planong paglalaan ng coco levy fund para sa CCT ay may kinalaman sa darating na halalan. Posible umanong gamitin ito ng mga kandidato ni Aquino para makakuha ng mga boto. Babala ni Marbella, “Ang pagkuha sa isang bagay na hindi mo naman pag-aari ay pagnanakaw.”

Daan-daang magsasaka mula sa iba’t ibang probinsya ang nagmartsa tungong Mendiola nitong Oktubre 19 at doon nagsagawa ng koprasang bayan. Ang matagal na pagluluto ng kopra ay simbolo umano ng napakatagal na nilang paghihintay para mabawi ang kanilang pondo. Alam nilang sa paglaban lamang mapapabilis ang pagpapasakamay ito, lalo na sa ilalim ng gobyernong tila may ibang plano.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: