Kawani ng gobyerno, mardyinalisado – pero bakit ayaw kilalanin ng Comelec?

by 

Protesta ng mga kawani ng gobyerno sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections: "Mardyinalisado kami!" (KR Guda)

Protesta ng mga kawani ng gobyerno sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections: “Mardyinalisado kami!” (KR Guda)

“Bahagi ng labor sector ang mga kawani ng gobyerno. Malinaw na marginalizedtayo.”

Ito ang sinabi ni Ferdinand Gaite, unang nominado ng Courage Government Employees Party-list, sa protesta sa harap ng Commission on Elections (Comelec) matapos tumanggi ang huli na kilalanin ang partido ng mga kawani ng gobyerno bilang accredited party-list na lalahok sa eleksiyong 2013.

Sinabi ni Gaite na malinaw sa Republic Act 7941, o ang Party-list System Act, na bahagi ang sektor ng paggawa sa mardyinalisadong mga sektor na binibigyang puwang ng batas na makaupo sa Kamara. Nakasaad sa RA 7941: “the sectors shall include labor, peasant, fisherfolk, urban poor, indigenous cultural communities, elderly, handicapped, women, youth, veterans, overseas workers, and professionals.

Sa desisyong inilabas ng Second Division ng Comelec, sinabi nitong hindi umano kinakatawan ng Courage ang isang mardyinalisadong sektor ng lipunang Pilipino. “The Commission is of the opinion that the sector that Courage seeks to represent is not marginalized and is already overly-represented.”

Pero, paliwanag ni Gaite, hindi dapat inihihiwalay ng Comelec ang turing nito sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor, dahil lahat ng ito’y bahagi ng lakas-paggawa. “The framers of the Philippine Constitution did not distinguish nor discriminate private sector labor from public sector labor so the Comelec should not also distinguish and discriminate,” pahayag pa ni Gaite.

Nagsumite sila sa Comelec ng motion for reconsideration noong araw ng protesta nila, Oktubre 4.

Nahihiwagaan umano ang mga kawani ng gobyerno sa pahayag ng Comelec na “overly represented’ sila sa lehislatura. Ani Gaite, walang ni isang kinatawan ng Kamara, ng Senado o kahit sa ehekutibo ang makakapagsabing kinakatawan nito ang rank-and-file employees ng gobyerno.

Ferdie Gaite, unang nominado ng Courage: "Papaano nangyaring walang track record ang Courage?" (KR Guda)

Ferdie Gaite, unang nominado ng Courage: “Papaano nangyaring walang track record ang Courage?” (KR Guda)

Katunayan nito, hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin umuusad ang panukalang batas na P6,000 dagdag na suweldo sa mga kawani ng gobyerno. Naging abala rin umano ang Courage Party-list sa pagharang sa samu’t saring atake ng ehekutibo sa mga karapatan at benepisyo nito – at maliban sa progresibong mga party-list, kakarampot lamang ang natatanggap nilang suporta mula sa mga mambabatas at mga opisyal sa ehekutibo.

Paliwanag naman ni Roming Mamolo, kawani ng gobyerno, lider-maralita at ikalimang nominado ng Courage, marami sa kanilang mga miyembro’y bahagi ng maralitang lungsod. Sa sahod ng di-tataas sa P9,000 sa maraming kawani, marami umano sa kanila ang naghihirap, nakatira sa maralitang mga komunidad ng bansa. Malinaw umanong mardyinalisadong sektor silang mga maralitang kawani.

Kailangang paghiwalayin, ani Gaite, ang rank-and-file employees sa iilang opisyal ng gobyerno na sumusuweldo ng daan-daang libong piso kada buwan – maliban pa sa ibang pinagkakakitaan ng nila, at maliban pa sa laganap na korupsiyon sa pinakamatataas na antas ng gobyerno.

Walang track record?

Samantala, dagdag pa sa katwirang “overly represented” ang mga kawani, sinabi rin ng naturang desisyon ng Comelec na wala raw track record ang Courage na kumilos ito para sa rank-and-file employees at retiradong mga empleyado ng gobyerno, dahil hindi raw nakapagsumite ng larawan ng kanilang mga aktibidad nitong huling apat na taon.

Pero sinabi ng Courage na matagal nang nasa unahan ang kanilang grupo sa paglaban para sa makabuluhang sahod, gayundin sa pagtatanggol sa mga karapatan at benepisyo ng mga kawani. Si Gaite mismo, tanyag na sa publiko bilang mukha ng sektor ng mga kawani ng gobyerno, sa maraming taong pagiging pangulo ng organisasyong Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) – na siyang panguna sa pagtatag ng kapangalang party-list noong  2008.

Kabalintuaan umano ang pagtanggi ng Comelec na di i-accredit ang Courage, samantalang pinapayagan nito ang mga partidong tulad ng Akbayan na tumakbo sa eleksiyong party-list. (KR Guda)

Kabalintuaan umano ang pagtanggi ng Comelec na di i-accredit ang Courage, samantalang pinapayagan nito ang mga partidong tulad ng Akbayan na tumakbo sa eleksiyong party-list. (KR Guda)

Kasabay ng di-pagkilala sa Courage, nakababahala umano ang patuloy na pagkilala bilang party-list ng ilang partidong sobra na ang kinatawan sa gobyerno. Tampok dito ang partidong Akbayan, na may pormal na alyansa sa namumunong partido pulitikal na Liberal Party.

Bukod sa pagtakbo ng dating kinatawan nitong si Risa Hontiveros sa ilalim ng ruling coalition, namumutiktik din ng mga lider ng Akbayan ang administrasyon ni Benigno Aquino III, mula sa presidential political adviser niyang si Ronaldo Llamas, ang pinuno ng National Anti-Poverty Commission na si Joel Rocamora, tagapangulo ng Commission on Human Rights na si Loretta Ann Rosales, hanggang sacommissioner-at-large ng National Youth Commission na si Percival Cendaña, at iba pa.

Maging ang pangalawa at pangatlong nominado nito, sina Ibarra Gutierrez at Angelina Ludovice-Katoh, ay kasalukuyang mga opisyal ng gobyerno ni Aquino.

Depensa ng Comelec sa Akbayan

Samantalang tumanggi ang Comelec sa akreditasyon ng Courage, dumepensa naman ang tagapangulo ng nito sa akreditasyon ng Akbayan.

Nang tanungin ng midya hinggil sa kasong diskuwalipikasyon laban sa Akbayan, sinabi ni Comelec Commissioner Sixto Brillantes Jr. na kahit ang mga opisyal ng gobyerno ay “mardyinalisado rin” daw.

Ito ngayon ang mga katanungang maaaring itanong matapos ang pahayag ni Brillantes at desisyon ng Comelec kaugnay ng Courage: Kung puwedeng maging mardyinalisado ang mga opisyal ng gobyerno tulad ng mga lider ng Akbayan, bakit hindi mardyinalisado ang mga kawani ng gobyerno?

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=21453

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: