Pagpaslang sa lider-kababaihan, bata sa Bikol kinondena

Ang biktimang si Bermas na nasa morge. (Kontribusyon)

Ang biktimang si Bermas na nasa morge. (Kontribusyon)

Kinondena ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan ang pagpaslang kay Merlyn Bermas, punong barangay ng Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte, lider-kababaihan at human rights advocate.

Nadamay din ang isang apat na taong-gulang na bata.

Ayon sa Karapatan, nakasakay si Bermas sa isang hauler habang pauwi mula sa pamamalengke  sa Brgy. Anameam, Labong nang barilin siya sa likuran ng mga salarin.

Tulad ng maraming kaso ng extrajudicial killings, nakasuot ng bonnet at helmetna nakasakay ng motorsiklo ang mga salarin alas-3:30 ng hapon noong Agosto 7.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa likuran si Bermas, samantalang isang tama naman sa ulo ang tinamo ng apat na taong-gulang na si Gerald. Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktimang si Bermas, gayundin si Gerald na dinala pa sa dalawang opsital sa probinsiya.

Pinaghihinalaan ng grupo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na may kagagawan ng pagpaslang sa mga biktima.

“Si Kapitana Bermas ay simbolo ng isang matapang na pinuno ng barangay na kilala bilang human rights advocate. Hindi siya natakot sa iba’t ibang tipo ng abuso at pandarahas ng mga militar sa kanyang nasasakupan, maging sa kanyang sariling pamilya, sa mahigit 15 taon niyang panunungkulan,” ani Maricel Delen,coordinator ng Karapatan-Camarines Norte.

Sinabi pa ni Delen na malakas ang kanilang hinalang militar ang may kagagawan ng pagpaslang sa biktima dahil sa kinalaban ni Bermas ang militar sa pag-iimbestiga sa mga paglabag ng huli sa mga karapatang pantao sa lugar.

“Siya ang nanguna sa pagpapaimbestiga sa pagmasaker sa pamilyang Mancera noong Pebrero 25 na ikinamatay ng mag-aamang Benjamin, Richard at Michael. Gayundin, (nagbigay siya) ng proteksiyon sa nakaligtas sa masaker na si Leonisa Mancera at ina ng huli na si Lourdes, kasama ang iba pang opisyal ng barangay, mula sa ospital hanggang sa secured shelter ng mag-ina,” paliwanag ni Delen.

Si Bermas din umano ang nagpasinungaling sa akusasyon ng mga sundalo na kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) si Benjamin Mancera para bigyang katwiran ang kanilang pagmasaker sa pamilyang Mancera.

Dagdag pa ni Delen, aktibo rin si Bermas sa pagkontra sa pagkakampo ng 49th Infantry Batallion ng Army sa mga barangay sa Labo, Camarines Norte.

“Walang ibang dapat na managot sa pagpaslang na ito kay Kapitana at kay Gerald kundi ang 49th IB sa ilalim ng Oplan Bayanihan. (H)indi lang mga NPA ang target (nila). Kasama rin ang hinihinalang mga tagasuporta ng mga rebelde, sa maskara ng peace and development sa kanayunan. Bigo ang 49th IB na niyutralisahin si Kapitana sa kanyang progresibong mga tindig lalo na sa pagtatanggol ng karapatang pantao ng mga mamamayan kaya tuluyan na siyang pinatahimik ng mga ahente ng estado”, sabi ni Delen.
Kinondena rin ni Delen ang kawalang aksiyon ni Gov. Edgardo Tallado sa kabila na ikatlong kaso na ito ng pamamaslang na kinasasangkutan ng 49th IB sa loob lamang ng taong 2012.

“Wala man lang ni isang bakas ng imbestigasyon mula sa administarsyon ni Tallado, gobernador ng probinsiya at pinuno ng Regional Peace and Order Council,” ani Delen.

Nananawagan ang grupo sa pamahalaan na imbestigahan ang kaso at panagutin ang mga salarin. Gusto rin nilang mabigyan ng katarungan ang iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Bicol at buong bansa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: