Pagtanggal ng population control sa RH Bill, ilalaban

Makabayan bloc sa Kongreso: Ilalaban ang pagtanggal ng population control sa Reproductive Health Bill (Ilang-Ilang Quijano)

Makabayan bloc sa Kongreso: Ilalaban ang pagtanggal ng population control sa Reproductive Health Bill (Ilang-Ilang Quijano)

Umpisahan na ang pag-aamyenda sa Reproductive Health (RH) Bill nang masimulan na rin ang laban para tanggalin angpopulation control sa mga probisyon nito.

Ito ang panawagan ng progresibong mga mambabatas ng Makabayanbloc para sa darating na Martes, kung kailan boboto ang Kongreso kung tatapusin na ang interpellation sa House Bill 4244 o RH Bill, na kinokonsiderang delaying tactic ng mga tutol dito.

Sa isang press conference, inihayag ng Makabayan na sa pag-aamyenda ng RH Bill, ilalaban nila na tanggalin sa nasabing panukalang batas ang mga probisyon na nagdidiin sa population control o pagkontrol sa kahirapan bilang sagot sa kahirapan. Sa halip, isusulong nila ang komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan ng kababaihan, sa pamamagitan ng mas maraming pasilidad at serbisyong pangkalusugan para sa mahihirap.

Binubuo ang Makabayan nina Rep. Emmi de Jesus at Luz Ilagan (Gabriela Women’s Party), Teddy Casino at Neri Colmenares (Bayan Muna), Rafael Mariano (Anakpawis), Antonio Tinio (ACT Teachers), at Raymond Palatino (Kabataan).

Binatikos nina de Jesus at Ilagan, mga orihinal na awtor ng HB 4244, ang umano’y “pagsakay” ni Pangulong Aquino sa RH Bill para sa adyendangpopulation control, at nangangamba sa sasapitin ng panukalang batas sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Kontra-kababaihan” at “kontra-mahihirap” ang depinisyon ni Aquino sareproductive health bilang responsible parenthood na gusto lamang solusyunan ang overpopulation, pahayag ng Makabayan.

“May potensiyal ang HB 4244 na maging maka-mahihirap at komprehensibong RH Bill, pero mayroon itong mga probisyon na isinusulong ang population control bilang sagot sa kahirapan. Naniniwala kami na hindi kikilalanin at tutugunan ng RH Bill ang pangangailangang pangkalusugan ng ating kababaihan kung dala-dala nito ang adyendang population control,” sabi ni de Jesus.

Sa kanyang State of the Nation Address, inihayag mismo ni Aquino na‘responsible parenthood’ ang sagot sa problema ng kakulangan ng mga klasrum–tila ipinahihiwatig na kailangang lumiit ang bilang ng mga kabataang estudyante para magkasya sa mga klasrum.

“Nakakatakot ang pahayag niyang ito. Ang problema ay ang social inequality (di pagkakapantay-pantay sa lipunan), hindi ang populasyon,” sabi naman ni Palatino.

Tatlong probisyon

Tatlong probisyon sa RH Bill na nagdidiin sa population control ang nais amyendahan ng Makabayan.

Una rito ang Section 3, sa ilalim ng Guiding Principles, na nagsasabing, “The limited resources of the country cannot be suffered to be spread so thinly to service a burgeoning multitude making allocations grossly inadequate and effectively meaningless.”

“Delikado at misleading ang probisyon na ito dahil sinisisi nito ang kababaihan at kabataan para sa krisis pang-ekonomiya ng bansa, at ikinukubli ang di-pantay na distribusyon ng yaman ng bayan bilang totoong ugat ng kahirapan. Nagdurusa sa kahirapan ang ating mga kababayan. Hindi sila ang sanhi nito,” ayon kay de Jesus.

Imumungkahi ng Makabayan na baguhin ito para sabihing, “The resources of the country must be made to serve the entire population, especially the poor, and make allocations adequate and effective. Total human development of the entire Filipino population will be achieved only when benefits from the country’s resources are equitably distributed, benefiting the majority.”

Nais din ng Makabayan na amyendahan ang probisyon na nag-uutos sa Department of Health (DOH) na isailalim sa mga programang kontra-kahirapan ang responsible parenthood at family planning. Ayon sa mga mambabatas, maaaring gamitin ang probisyon na ito para ipatupad ang population control sa maskara ng pagiging pro-choice at pagsugpo sa kahirapan.

Inilinaw ni de Jesus na mahalagang sangkap ng RH Bill ang pagkakaroon nginformed choice ng kababaihan, kabilang na ang paggamit ng modernong mga kontraseptibo. Ngunit aniya, isa lamang ito sa mga sangkap ng panukalang batas at hindi dapat nakakahon dito.

Aniya pa, “Hindi dapat mamemeligro ang karapatan ng kababaihan sa informed choice dahil sa disenyo ng estado para sa population control. Halimbawa, hindi dapat pinipilit ang mahihirap na kababaihan na gumamit ng mga kontraseptibo na dapat munang pinag-aaralan ng estado kung ligtas.”

Nais din ng Makabayan na paliitin ang papel ng Population Commission ng DOH sa implementasyon ng RH Bill. Sa halip na maging pangunahing coordinating body para sa batas, dapat umano ito maging “technical and information resource agency” lamang.

Komprehensibong pangangalaga sa kalusugan

Idiniin ng mga mambabatas ang kagyat na pangangailangan para sa RH Bill. Tumaas umano ang maternal mortality rate sa 221 kada 100,000 na live births. May bago ring ulat ang National Statistics Office na dalawa sa 10 sanggol ang namamatay sa Metro Manila.

Paliwanag ni Ilagan, dahil ito sa kahirapan, dahilan ng pagiging malnourished ng mga ina at bata, at sa kakulangan ng pasilidad at serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan.

Aniya, kabilang sa komprehensibong pangangalaga sa reproduktibong kalusugan ng kababaihan ang mga sumusunod: pagtitiyak ng mga health center na may sapat na kagamitan at tauhang may kasanayan, lalo na sa liblib na mga komunidad; mobile health clinics; pagkakaroon ng health kits sa evacuation centers; emergency obstetric care para sa mahihirap; at iba pa. Kabilang din ang pagkakaroon ng kababaihan ng informed choice sa tulong mga health center; atsexuality education para sa kabataan.

“Sa huli, kailangan ng mahihirap na kababaihan ang isang pambansang polisiya sa tunay, maka-mahihirap, at komprehensibong  reproduktibong kalusugan, na batayan nila para igiit ang karapatan na mapangalagaan ang kanilang kalusugan,” sabi ni Ilagan.

Ito umano ang dahilan kung bakit inilalaban din ng Makabayan ang komprehensibong health care para sa lahat ng mamamayan, na higit pang namemeligro sa ibang mga panukalang batas sa ilalim ng administrasyong Aquino. Pangunahin na rito ang House Bill 6069 para sa korporatisasyon o pagsasapribado ng 26 na pampublikong ospital, na inilalayo sa mahihirap ang serbisyong pangkalusugan.

Tags:

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: