Pagkondena sa pag-grant ng petition for bail ni Arroyo

Mariin naming kinokondena ang pag-apruba ng korte sa petisyon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na magpyansa. Bibigyang-daan nito ang paglaya niya sa kanyang napaka-komportableng hospital arrest. Isa itong pag-atras sa pakikibaka para papanagutin siya sa malulubhang krimen niya sa mga manggagawa at sambayanan.

Walang ibang dapat sisihin kundi ang gobyerno ni Pang. Noynoy Aquino. Sa kabila ng pagpapanggap nitong nagpapanagot kay Arroyo, wala itong mapagpasyang hakbang para ma-convict at tuluyang makalaboso si Arroyo. Hindi pa ito nagsasampa ng kaso kaugnay ng malalaking krimen at anomalya ni Arroyo. Nagtagal pa bago ito nagsampa ng kaso laban kay Arroyo at kaliwa’t kanan naman ang special treatment na ibinigay rito.

Tiyak na nandaya si Arroyo sa eleksyong 2007, pero mahina ang kasong isinampa ng gobyernong Aquino at magaang na kaso ito kumpara sa naglalakihang krimen ni Arroyo. Halatang isinampa lang ito para pigilan si Arroyo na makatakas ng bansa noong Nobyembre – hindi para mapanagot siya kundi dahil natakot ang gobyernong Aquino sa tiyak na pagputok ng galit ng sambayanan kapag tuluyang nakatakas siya sa bansa.

Talagang niloloko ni Aquino ang sambayanan! Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, nagpanggap pa siyang nagpapanagot kay Arroyo. Pinalabas niyang pagpapanagot kay Arroyo, hindi pagkontrol ng mga Cojuangco-Aquino sa Hacienda Luisita, ang dahilan kung bakit pinatalsik si Chief Justice Renato Corona. Magaganap ang paglaya ni Arroyo sa panahong kumpleto ang kontrol ni Aquino sa gobyerno.

Habang patuloy na ikinukulong ng gobyernong Aquino ang mga bilanggong pulitikal, napakadali naman nitong pinapalaya si Arroyo. Dapat palayain ang mga bilanggong pulitikal dahil wala silang krimen sa mga manggagawa at sambayanan. Higit pa diyan, naglilingkod sila sa mga manggagawa at sambayanan. Dapat i-convict at ikulong si Arroyo, dahil sa napakarami niyang krimen sa mga manggagawa at sambayanan.

Nananawagan kami sa mga manggagawa at sambayanan: Kondenahin natin ang gobyernong Aquino na malinaw na nakikipagsabwatan kay Arroyo! Kumilos tayo para papanagutin si Arroyo sa napakalalaking krimen niya sa manggagawa at sambayanan!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: