Dahil sa pribatisasyon: Pasyente, kawani sa mental hospital walang tiyak na lilipatan

Mariiing tinututulan ng Alliance of Health Workers and pagsasapribado sa Welfareville, isang pampublikong pasilidad para sa kalusugan sa isip. Dahil sa pribatisasyon, walang tiyak na malilipatan ang mga pasyente at kawaning pangkalusugan sa Welfareville. (Pher Pasion)

Mariiing tinututulan ng Alliance of Health Workers and pagsasapribado sa Welfareville, isang pampublikong pasilidad para sa kalusugan sa isip. Dahil sa pribatisasyon, walang tiyak na malilipatan ang mga pasyente at kawaning pangkalusugan sa Welfareville. (Pher Pasion)

“Saan kami pupunta at ang mga pasyente?”

Ito ang nangangalit na tanong ni Romy Valenzuela, tagapangulo ng National Center for Mental Health Employees’ Association – Alliance of Health Workers (Nacemhea -AHW), sa nakaambang pagbebenta ng Welfareville kabilang ang National Center for Mental Health ngayong Hulyo.

Nakatakdang sumailalim sa bidding ngayong Hulyo ang Welfareville at NCMH sa pribadong mga kompanya, sang-ayon sa plano ng gobyerno na Welfareville Development Plan (WDP) na itinutulak ni Department of Social Welfare and Development Sec. Corazon “Dinky” Soliman. Ito naman ay batay sa pulong ng WDP noong Hunyo 2011.

Upang maituloy ito, kailangang lisanin ang nasabing lugar sa buwan pa lamang ng Hunyo ng walang tiyak na lugar na paglilipatan, ayon sa Nacemhea-AHW.

“Ibinebenta ng administrasyong Aquino ang ating kapakanan, ang ating ospital (at) mga tahanan. (Pati) ang ating kinabukasan, at gayundin ng ating ating mga pasyente, at ang mga komunidad ay walang kasiguraduhan. Ang dahilan ng lahat ng ito’y ang gobyernong mahalaga ang kita at tubo ng lokal at pribadong negosyo higit sa ating kapakanan,” pahayag ni Valenzuela.

Ayon sa Nacemhea-AHW, tinatayang nasa P20.6 Bilyon ang halaga ng 110 ektarya ng Welfareville kung nasaan ang NCHM at CIW. Umabot sa P45,000/sq m. naman ang halaga ng lupa ng Mental Hospital at ICW.

Kaunlarang walang kasiguraduhan

Tutol ang mga manggagawang pangkalusugan sa programang Public-Private Partnership at polisiyang taunang pagkaltas sa badyet pangkalusugan ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion)

Tutol ang mga manggagawang pangkalusugan sa programang Public-Private Partnership at polisiyang taunang pagkaltas sa badyet pangkalusugan ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion)

Sa nakatakdang pagsasapribado ng NCHM, tinatayang 4,200 pasyente ang walang tiyak na paglilipatan, 300 outpatients araw-araw, nasa 1,555 regular na empleyado at mahigit 2,000 kontraktuwal ang maapektuhan, ayon kay Valenzuela sa panayam ng Pinoy Weekly.

“Doon sa sinasabi nilang paglilipatan nasa 10 ektarya lamang halos. Kapag nag-downsize sila ng mga pasyente na kaya lamang ng lugar, magda-downsize din ng mga empleyado. Tanggalan na naman ito sa trabaho,” pangamba ni Valenzuela.

Dagdag pa dito, sa pagsasapribado ng buong Welfareville, tinatayang nasa 20,000 pamilya ang nakaambang idemolis at walang kakayahang magbayad ng upa sa itatayong medium-rise buildings. Ayon sa Nacemhea -AHW.

“Hindi tayo tutol sa development, pero kung ang development nila ay nangangahulugan ng tanggalan sa trabaho, pagtataboy sa mga mamamayan sa kanilang mga tahanan ng walang tiyak na paglilipatan, pagtanggal sa mga mamamayan sa kanilang ikinabubuhay, dapat pag-aralan nila ang development na sinasabi nila. Hindi yung iilan lang at konti ang nakikinabang sa development,” diin ni Valenzuela.

Marka ng PPP

“Ang ginagawa nila ay hindi lamang paglipat kundi pagbebenta sa atin dahil sa Public-Private-Partnership,” ayon kay Valenzuela.

Taong 1997 pa noong tinangkang isapribado ang NCHM at sumunod ng taong 2003 sa ilalim ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ngayong gobyerno ni Aquino, muli na namang nabuksan ang pagsasapribado ng nasabing lugar dahil sa balangkas ng PPP, ayon kay Valenzuela.

Agad namang itinuro ni Valenzuela ang patuloy na pagkaltas sa badyet ng ospital. Aniya itinutulak di umano sila sa income generating projects upang punan ang kakulangan sa pondo ng ospital na manipestasyon na patuloy na pag-abandona ng administrasyong Aquino sa sektor ng kalusugan.

“Dito kasama na ang parking fee sa mga binabayaran ngayon. Pati yung canteen pinauupahan na rin ngayon,” dagdag ni Valenzuela.

Ayon kay Robert Mendoza, pangkalahatang kalihim ng AHW, nasa 26 na publikong ospital ang nakatakdang sumailalim sa corporatization sa ilalim ng PPP ng administrasyong Aquino. Nakasalang na ngayon ito sa Kongreso.

“Baka isang araw gumising na lang tayo na wala na tayong pampublikong ospital,” pahayag ni Mendoza.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: