Pagkakaisa kontra taas-presyo

Sa paglulunsad ng kampanyang Alerto sa Taas-Presyo Network (Altapresyon) ng Gabriela, sa Carriedo, Manila noong Peb. 3. (KR Guda)

Sa paglulunsad ng kampanyang Alerto sa Taas-Presyo Network (Altapresyon) ng Gabriela, sa Carriedo, Manila noong Peb. 3. (KR Guda)

Araw-araw na pinagku-kunutan ng noo ni Aling Arlene Casenas, 48-anyos ng Tondo sa Maynila, kung saan nila kukuning mag-asawa ang makakain. Sampu ang kanyang anak, walo ang nabubuhay pa. Lima rito, nakatira sa kanya. Namamasukang helper sa piyer ang kanyang asawa, pero tatlong beses lang (o mas madalang pa) ang trabaho. Si Aling Arlene, mistulang trabaho ang buong-panahong pagkukunot-ng-noo.

Umaabot sa P300 ang suweldo ng kanyang mister, pero hindi ito araw-araw. “Dati, sa P20, marami ka nang mabibiling galunggong. Ngayon, wawalo na lang,” sabi ni Aling Arlene. Pinagkakasya na lamang niya ito sa maghapong kain, pati ang  dalawang kilong bigas na nauubos nila sa isang araw.”

“Binibili ko iyung P32 kada kilo na bigas, kasi halos di na makain yung P30 ng NFA (National Food Authority),” aniya.

May isa sana siyang anak na nag-aaral sa unang taon ng hayskul noong nakaraang taon. Pero napilitan din siyang ipatigil itong mag-aral, dahil kulang ang P50 sa gastos sa eskuwela sa isang araw. “Libre nga ang pagpapaaral (sa elementarya), pero halos araw-araw naman may project,” sabi pa ni Aling Arlene.

Mula Hunyo 2011 pa wala silang kuryente sa bahay. “Pinaputol ko na lang,” ani Aling Arlene, dahil pataas nang pataas lang ang singil sa kuryente. Gayumpaman, magastos pa rin ang pagbili ng gaas at kandila. Huling monitor niya, aabot na sa P23 kada kilowatt hour ang kuryente. Noong Hunyo pa ito—ilang beses nang tumaas matapos nito. Samantala, Tig-P30 na tubig ang iniigib nila para inumin, panluto, panlaba at panligo.

Inaamin niya, may mga araw pa ngang isang beses lang sila ng mag-asawa kumain sa isang araw—iyung mga bata na ang pinauunang kumain. May mga araw na wala talaga.

Ramdam ni Aling Arlene, at sanlaksang mga maralita ng bansa—sa mga lungsod at kanayunan—ang walang habas na taas-presyo ng mga bilihin. Tuwing tumataas ang presyo ng langis, tiyak na tumataas ang presyo ng mga bilihin, laluna pagkain. At dahil tila hindi na napipigilan ang pagtaas ng presyo ng langis, tuluy-tuloy na rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Gutom at desperasyon ang resulta para sa mga tulad ni Aling Alrene.

Gutom at desperasyon ang resulta sa mayorya ng mga mamamayan.

Pirma kontra alta-presyo(n)

Noong unang dalawang linggo ng Pebrero, abala ang mga miyembro ng Gabriela, grupo ng militanteng kababaihan. Iniikot nila ang maralitang mga komunidad sa Kamaynilaan. Nagpuwesto sila ng booth sa matataong palengke sa Carriedo, Quiapo at Divisoria. Nangangalap sila ng pirma, ng mga kapwa nilang maralita, para sa isang petisyon.

“Pumirma na po mga kapwa ko nanay, sa petisyon ng Altapresyon!” sigaw ng isang miyembro na nagpakilalang si “Gabriela Consumida.” Siya umano ang “mascot” o mukha ng kampanyang Alerto sa Taas-Presyo Network o Altapresyo(n), isang pambansang kampanya para makapangalap ng pirma ng mga mamamayan bilang pangontra sa walang habas na taas-presyo ng mga bilihin.

Agad na nagsisipaglagdaan ang mga namamalengke. Ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, sa isang tanghali lamang, noong Pebrero 3, nakalikom sila ng 1,000 pirma sa Carriedo. Galit ang mga nanay, pati ang mga tatay. Matagal na pakiramdam nilang wala silang kontrol sa pagsirit ng mga presyo; ngayon, kahit papaano, may magagawa sila.

“Pinangungunahan na ng kababaihan ang inisyatibang dalhin sa Malakanyang at Kongreso ang kahilingan ng mga mamamayan para sa aksiyon tungo sa kaalwanan ng kanilang kalagayan. Kami ang mga mamimili, mga pasahero at mga tagapamahala ng tahanan na pagod nang marinig ang dahilang walang magagawa ang gobyerno sa mataas na presyo ng langis at kuryente at iba pang produkto,” ani Linaban.

Malinaw ang hiling ng Gabriela: ibaba at kontrolin ng gobyerno ang presyo ng pangunahing mga bilihin, una na ang presyo ng langis. Nagagawa umano ng dambuhalang mga kompanya ng langis na magtakda ng mataas na presyo at magkamal ng sobrang tubo dahil may monopolyo sila sa industriya. Binigyan pa sila ng layang gawin ito ng Republic Act 8479 o Oil Deregulation Law, na  kung tutuusi’y kayang ipabasura ni Aquino sa kontrolado niyang Kongreso. Bilang Pangulo, kaya niya ring parusahan ang mga kompanya ng  langis na nauuna nang mag-overprice o sobra-sobrang magpresyo.

Anila, kung talagang gusto, maraming paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.

Manggagawa ng Kilusang Mayo Uno, kasama ang iba pang miyembro ng militanteng mga grupo, sa piket sa tapat ng Petron sa Taft Avenue noong Peb. 21, matapos ang isa sa sunud-sunud na taas-presyo ng langis sa buong iyon. (KR Guda)

Manggagawa ng Kilusang Mayo Uno, kasama ang iba pang miyembro ng militanteng mga grupo, sa piket sa tapat ng Petron sa Taft Avenue noong Peb. 21, matapos ang isa sa sunud-sunud na taas-presyo ng langis sa buwang iyon. (KR Guda)

Pagbabadya ng ibayong taas-presyo

Noong dekada ’90 hanggang maagang bahagi ng nakaraang dekada, naipasa ang serye ng mga batas na saklaw ng neoliberal na mga polisiya ng noo’y administrasyong Ramos, Estrada at Arroyo.

Sa yugtong ito, sa pamamagtan ng mga batas ay inalis sa regulasyon o kontrol ng gobyerno ang industriya ng langis (RA 8479),  ibinenta sa malalaking kapitalista ang pagseserbisyo ng tubig (Water Crisis Act of 1995), ipinasa sa konsiyumer ang ilang bayarin sa kuryente (Electric Power Industry Reform Act of 2001 o RA 9136), at iba pang polisiya’t batas ng pagsasapribado, deregulasyon at pagliliberalisa.

Ang resulta nito’y walang habas na taas-presyo ng langis, mga serbisyo tulad ng kuryente’t tubig, at presyo ng batayang mga bilihin.

Sa langis, kitang kita ito: Noong Pebrero 1998, ang presyo ng diesel ay nasa P8.33 kada litro lamang, samantalang P12.62 kada litro ang unleaded gas, at P140 kada 11kg naman ang tangke ng LPG. Ngayon, ang diesel ay nasa P46.79 kada litro o halos 462% ang itinaas bago ang ODL. Samantala, P56.83 na angunleaded gas, o mas mataas ng 350% bago ang ODL. Ang LPG naman, halos P800 o halos 471% ang itinaas mula nang ipatupad ang deregulasyon sa langis.

Sa serbisyo sa tubig, sa Metro Manila lamang, walang tigil ang pagtaas ng singil. Mula nang isapribado ang Manila Water and Sewerage System (MWSS), tumaas ang singil nang 449 porsiyento sa Maynilad at 845 porsiyento sa Manila Water.

Sa kuryente, ayon sa pag-aaral ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), mula sa P4.87/kwh na singil ng Meralco noong 2000, dumoble ito sa P10.35/kwh noong 2010. Dumoble rin ang generation charge ng National Power Corporation (Napocor), mula sa P2.39/kwh noong 2000 sa P4.67 noong 2011. Nitong Pebrero, naibalita ang walong porsiyentong pagtaas muli ng singil ng Meralco. Sa pag-aaral ng independiyenteng think-tank na International Energy Consultants, napag-alamang Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong Asya.

Samantala, lumaki nang lumaki ang tubo ng mga kompanyang may kontrol sa naturang mga serbisyo. Kabilang sa pinakamayayamang korporasyon sa Pilipinas ang Meralco, Petron, Shell, Chevron (Caltex), at iba pa.

Sa komputasyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sentro ng militanteng unyonismo sa bansa, noong nakaraang tao’y overpriced nang di-bababa sa P9 ang presyo ng langis, pagpasok sa Pilipinas. Pero tantiya lamang ito, dahil patuloy na nababalot sa misteryo ang aktuwal na komputasyon ng presyo ng langis ng tinaguriang Big Three (Petron, Shell, Chevron). Dahil sa deregulasyon, walang pangil ang gobyerno na silipin ang mga libro ng naturang mga kompanya at alamin kung papaano nila kinokompyut ang presyo.

Dahil gumagamit ng langis ang lahat ng serbisyo at produkto (laluna sa transportasyon nito), direktang apektado ang presyo nito tuwing tumataas ang presyo ng langis.

‘Magkaisa at  kumilos’

Noong nakaraang taon, naglunsad ang KMU, Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), at iba pang militanteng organisasyon sa ilalim ng Bayan, ng serye ng mga protesta kontra taas-presyo ng langis.

Noong Setyembre 2011, naglunsad sila ng “protestang bayan” at tigil-pasada (ng mga tsuper) para irehistro ang kanilang pagtutol sa overpricing ng dambuhalang mga kompanya ng langis at kainutilan ng gobyerno na kontrolin ang presyo. Napilitan si Pangulong Aquino na magsalita at mangakong muling aaralin umano ng kanyang administrasyon ang Oil Deregulation Law.

Isang Independent Review Committee ang itinayo ng administrasyon para repasuhin ang financial statements ng mga kompanya ng langis. Pero pansin ng KMU, tila mga negosyante pa rin ang nangingibabaw na boses sa naturang komite. At ang kinatawan pa umano ng transport sector ay isang abogado, si Vigor Mendoza, na mas kilala bilang abogado ng Hacienda Luisita Inc., asyendang inaangkin ng pamilyang Cojuangco-Aquino (pamilya ng Pangulo).

“Wala kaming ilusyon na makakapaglabas ang IRC ng independiyenteng rebyu dahil binuo ito ng gobyernong Aquino na aktibong nakipagsabwatan sa mga kompanya ng langis sa pagmantine ng deregulasyon ng industriya ng langis at nagsilbing tagapagsalita nila (mga kompanya),” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Para sa mga militante, pana-panahong napatunayan na sa pagkakaisa ng mga maralita, kababaihan, manggagawa at iba pang aping sektor napupuwersa ang gobyerno na kumilos pabor sa kanila. “Tanging sa mga protesta natin napupuwersa si Pangulong Aquino na itigil ang pagtaas o irolbak ang presyo ng langis. Nananawagan tayo sa mga manggagawa, drayber, at publiko na makilahok sa ating mga protesta sa susunod na mga linggo para puwersahin ang gobyerno na magpataw ng kontrol sa presyo ng mga produktong petrolyo,” sabi pa ni Labog.

Samantala, sa maralitang mga komunidad, halos buong-panahong nagtatrabaho ang mga tulad ni Aling Arlene sa pagbabadyet ng kakarampot na suweldo ng kanilang mga asawa. Minsan, kahit sila at mga anak nila, nagtatrabaho na rin. Pero dahil namulat na si Aling Arlene sa kaugnayan ng kanilang kahirapan at pagsasamantala ng iilang makapangyarihan at mayayaman, lumalahok rin siya sa mga kampanya kontra taas-presyo.

Nitong nakaraang buwan, kasama siya sa pangangalap ng pirma para sa kampanyang Altapresyo(n). Noong Pebrero 14, araw ng mga puso, isa si Aling Arlene sa mga miyembro ng Gabriela sa Tondo na nangulit sa mga mamimili ng Divisoria para magpapirma sa naturang petisyon.

Sa mahigit isang oras lamang ng pagpapapirma, nakakalap agad sila ng 500 pirma. Bilang pabonus, nagserbisyo ang mga taga-Gabriela ng libreng checkup ngblood pressure ng mga mamimili. Lahat ng nagpatingin, mataas ang presyon. Naaalta-presyon sa taas-presyo. Kaya ang hikayat sa kanila nina Aling Arlene, kumilos na—pumirma, lumahok sa mga pagkilos, umanib sa kanilang organisasyon—para wakasan ang nakakaalta-presyon na sistema ng pagsasamantala.

Tags: ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: