4 na bata, pinaslang ng militar sa unang kuwarto ng 2012

“Noynoying!” sigaw ng mga child rights advocate. Wala umanong ginagawa si Pangulong Aquino hinggil sa mga paglabag ng militar sa karapatan ng mga bata. (Macky Macaspac)

Nababahala ang mga child rights advocate sa diumano’y dumaraming bilang ng paglabag ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa karapatan ng mga bata, lalo na sa mga liblib na lugar ng bansa.

Sa isang press conference na isinagawa ng  Childrens Rehabilitation Center (CRC), Salinlahi Alliance for Childrens Concerns, at Hustisya noong Marso 17, naibulgar na sa loob lamang ng buwan ng Enero hanggang Marso 2012, apat na bata na ang naitalang napaslang ng militar.  May apat na kaso naman ng bigong pagpatay, isang kaso ng ebakwasyon, isang kaso ng harassment o pananakot at isang kaso ng pag-atake sa mga eskuwelahan sa parehong panahon.

Sinabi ng mga grupo na ang paglabag sa karapatan ng mga bata ay bahagi ng implementasyon ng Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino.

“Nakakabahala ang mga nangyayari…Lahat ng apat na batang ito ay namatay dahil sa bala ng militar,” ani Jacqueline Ruiz, executive director ng CRC.

Ang apat na kaso ng pamamaslang ay naganap sa mga probinsiya ng Laguna, Camarines Norte at Panay.

Inilahad ng mga grupo na napatay ang 15 taong gulang na si Christian Roy Noceto kasama si Jaycee Perez, 31, nang paputukan sila ng mga elemento ng 1st Infantry Battalion (IB) at Special Action Force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mabundok na bahagi ng Brgy. Atingay, Magdalena, Laguna noong Pebrero 16.  Napag-alaman ng CRC na ang dalawang napatay ay nangangaso nang paputukan ng mga militar. Bukod sa dalawang napaslang, dalawang menor-de-edad ang nasugatan sa pangyayari; isa dito ay nananatiling nasa V. Luna Medical Center.

Halos ganito rin ang kuwento ng ina ng dalawang batang namatay sa Labo, Camarines Norte noong Pebrero 25.  “Ang hinihiling namin na magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng aking asawa at dalawang anak,” ani Lourdes Mancera.

Sa nasabing pangyayari, walang habas na pinaputukan ng mga elemento ng 49th IB ang bahay ng mga Mancera kung saan namatay sina Richard Mancera, 7, Michael Mancera, 10, at ang kanilang amang si Benjamin.  Sugatan naman ang isa pang menor-de-edad na si Leonisa.  Kasama sa mga napaslang ang isang pinaghihinalaang miyembro ng NPA.

Hindi ipinagkaila ni Lourdes na mayroong NPA sa kanilang lugar ngunit hindi umano nakapagpaputok at namatay agad batay na rin sa salaysay ng nakaligtas na biktima. “Hindi naman namin basta-basta mapaalis ang mga NPA, napadaan lang sila at namahinga sa amin,” ani Lourdes. (Basahin ang kaugnay na artikulo)

“Pinaslang nila ang asawa at mga anak ko ng walang kalaban-laban. Masakit ang ginawa nila sa pamilya ko.  Dapat silang managot,” aniya pa.

Ayon sa CRC, pinakahuling pangyayari ang naganap sa Brgy. Tacayan, Tapaz, Capiz nito lamang Marso 11. Umano’y  nasa labas ng kanilang bahay ang mga batang sina Rodilyn Aguirre, 6, at kanyang nakababatang kapatid na si Roda, 4, nang biglang magkaroon ng malakas na pagsabog.

Nakita na lamang umano ng kanilang lolo na si Julian ang batang si Rodilyn na puno ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.  Nahati din umano ang itak na ginagamit sa pagsibak ng kahoy ni Rodilyn bago maganap ang pagsabog.

Lumalaki ang bilang ng paglabag ng militar sa karapatan ng mga bata sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan, ayon sa mga child rights advocate. Nasa larawan sina (mula kaliwa) Cristina Guevarra ng Hustisya; Jacqueline Ruiz ng CRC; Lourdes Mancera, ina ng mga 2 batang napatay sa Camarines Norte; at Rena Requima ng Salinlahi. (Macky Macaspac)

Namatay ang batang si Rodilyn habang dinadala sa ospital na may layong dalawang oras na lakaran mula sa kanilang lugar.  Samantalang, nakaligtas ngunit sugatan ang batang si Roda.

Malakas ang hinala ng mga opisyal ng barangay na ang pagsabog ay nanggaling sa M203 grenade launcher ng mga militar na nakadestino sa kanilang lugar.  Dagdag ng grupo, ang detatsment ng militar ay nasa mataas na bahagi ng isang burol at  mahigit kumulang 200 metro lamang ang layo sa bahay ng mga biktima.  Sinabi rin ng grupo na matagal na umanong pinapaalis ng mga residente ang mga militar dahil na rin sa takot sa kanilang kaligtasan.

“Nababahala kami na sa panahong ito na dapat ay nagsasaya, naglalaro at nagpapaunlad ang mga bata ng kanilang kakayahan. Ngunit kinikitil ang kanilang buhay at nilalabag ang kanilang mga karapatan,” ayon kay Ruiz.

Idinagdag ng CRC na bukod sa apat na kaso ng pamamaslang, kanila din kinukondena ang ginawang panghahalay sa 16 na taong gulang na si Cindy (di tunay na pangalan) ng mga elemento ng 16th IB sa Baras Rizal. Ayon sa grupo, nawala sa katinuan si Cindy matapos itong halayin. Bagaman nakalabas na sa ospital, hindi pa rin siya lubusang magaling at madalas na tulala. (Basahin ang kaugnay na istorya)

“Ok naman na siya, pero may panahon pa rin na nawawala sa sarili,” kuwento ng pinsan ni Cindy na si May-ann (di tunay na pangalan).  Kuwento ni May-ann, madalas pa rin na naalala ni Cindy ang pinagdaanan niya.  Positibo rin na itinuturo ng biktimang si Cindy ang tatlong sundalo na siyang humalay sa kanya.

Ayon pa kay May-ann, hindi restricted ang mga akusado tulad ng sinasabi ng militar. “Pakalat-kalat lang sila doon sa amin, maraming nakakakita sa kanila hanggang sa bayan,” aniya.

Gayundin, ipinagkakalat ng mga sundalo na masamang babae si Cindy. “Noong nasa ospital yung pinsan ko, madalas kaming puntahan ng mga sundalo at sinasabi nilang dati ng sira-ulo ang pinsan ko at bayaring babae,” aniya.

Panawagan ng mga grupo na harapin ng gobyernong Aquino ang mga paglabag sa karapatang pantao at itigil ang Oplan Bayanihan.

“Ngayong buwan ng Marso, sa halip na naghahanda sa graduation ang mga nanay, naghahandang magsabit ng medalya sa kanilang mga anak at maghanda para sa bakasyon–nandito sila nananawagan ng hustisya, dahil sa halip na kasiyahan, ipinaglalamay at ipinagluluksa nila ang kanilang mga anak,” ani Cristina Guevarra, tagapagsalita ng Hustisya.

Simula nang umupo sa puwesto si Pangulong Aquino, nakapagtala na ang mga grupo ng iba’t ibang tipo ng paglabag sa karapatan ng mga bata. May limang biktima ng pagpaslang, 17 biktima ng bigong pagpaslang, siyam na biktima  ng iligal na pag-aresto at pagkulong, limang biktima  ng tortyur, dalawang biktima  ng panggagahasa at sexual harassment, tatlong biktima ng paggamit ng mga bata sa operasyong militar, 10 kaso ng pag-atake sa mga eskuwelahan, walong biktima  ng pagbabansag sa mga bata bilang mga rebelde, dalawang biktima ng pagkait ng tulong humanitaryan.

Gayundin nakapagtala ang grupo ng 3, 143 biktima ng sapilitang paglikas o ebakwasyon at 1,099 biktima ng harassment at pananakot.

Plano ng mga grupo na isampa ang pinakahuling mga kaso sa kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Commision on Human Rights. Ipinanawagan din nila sa Kongreso na imbestigahan ng Committee on Children ang nasabing mga kaso.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: